Sunday, July 4, 2010

B'yahe Tayo

Saan nga ba nagsisimula ang katagang "byahe na ako?" Sa panahon na umalis ang sasakyan mula sa terminal? Sa pag-aabang pa lang ng parating na dyip? O kapag natataranta ka sa mga tanong ng taong katagpo at sasabihin mong nasa byahe ka na kahit papasok ka pa lang ng banyo para maligo? Mayroon din namang nagsasabing "byahe na ako" kahit nakarating na sila sa kanilang pupuntahan.

Sanay ako sa malayuang pagba-byahe. Ang tanging kinaiinisan ko lamang ay ang lumang amoy ng mga kurtina sa isang airconditioned na bus at mga tumutulong (oo, tumutulo parang ambon) na mga air conditioner. Kung hindi ako nagmamadali o may hinahabol akong oras ng pagkikita, wala akong problema na maipit sa trapiko, kahit sa isang mainit, luma at sinusurot pang dyip ako nakasakay. Naalala ko noon sa isang training para sa isang call center, tinanong kami ng trainer kung anong gusto namin sa "travelling." Maraming sumagot ang culture ng pupuntahang lugar, ang tourist spots, at ang kanilang vacation extravaganza. Noong tinanong ako sa aking palagay, sinabi ko ang mahabang byahe. Mas excited ako sa byahe kaysa sa pupuntahang lugar.

Sa byahe, may panahon ka para magmuni. Marahil isipin ang mga bagay na plano o nakalimutang gawin, mga salitang nais sabihin o bawiin. Tuwing mahaba ang byahe, doon naglalaro ang malikot kong imahinasyon, nagkakaroon ng isang internal ng pelikula. Sa pagitan ng itlog ng pugo, limang pisong mani o hopya, kung kani-kaninong istorya ng buhay ang nabubuo ko. Depende sa mood at depended na din sa kung ano ang tumutugtog sa malakas na radyo ng sasakyan, maaring maging action, love story o drama ang takbo ng aking pelikula. Minsan hindi din maiwasan na maging tila isang animation ang pelikula.

Pero kung mayroong telebisyon ang bus, ibang kwento yan. Para sa akin may dalawang uri ng pelikula sa bus: una, pelikula ni FPJ, Lito Lapid, Rudy Fernandez, et. al. at pangalawa, ang mga pelikulang hindi lumabas ang mga nasabing artista. Minsang naisipan kong bumuli ng isang pirated DVD sa palengke dahil gusto kong panoorin ang Shrek. Hindi ko na tiningnan ang iba pang mga pelikulang laman ng DVD dahil nakita ko naman na kumpleto ang paborito kong green creature. Tiningnan ng ate ko ang DVD at matapos makita ng kapatid ko ang listahan ng mga pelikula, "Wow, bus movies," aniya. Nakakunot kong tiningnan ang listahan ng mga pelikula at puro mga dumating na alien, sumasabog na sasakyan at puro mga naka-leather jacket ang laman ng DVD. Bakit nga ba halos mga action movies ang ipinapalabas sa bus? Marahil dahil lalaki ang konduktor at driver. Mayroon kaya itong kinalaman sa palala at padaming bilang ng mga aksidente ng mga bus? Mahirap sisihin ang dalawang patay na action heroes at isang senador.

Bukod sa pelikula, kakaibang karanasan din ang pagkakaroon ng "katabi" sa bus. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nagising na nakahilig sa isang katabi na hindi ko naman kilala. Minsan na akong nagising na nakahilig sa balikat ng isang mama (oo, mama, dahil parang nasa mid-40s na siya) at nakahilig din naman siya sa akin. Parang pelikula lang.

Naalala ko noong umuwi ako matapos ang halos isang linggong pagpupuyat sa Maynila, para akong manok na umiikot ang ulo, ilang beses akong nauntog sa salamin pero diretsong tulog pa din. Naawa yata sa akin ang nanay na katabi ko at inalok akong matulog sa balikat niya. Naranasan ko na din ang biglang magising sa bus matapos marinig ang sarili kong paghihilik. Isang beses na din akong may narinig na pasaherong sumigaw sa kalagitnaan ng South Luzon Expressway dahil nananaginip siya.

Sa sobrang dali kong makatulog, dahil na din sa kakaisip, habang nasa byahe; ilang beses na din akong bumababa sa gitna ng kawalan. Ibig sabihin, nakalampas o kaya malayo pa lang sa dapat kong bababaan ay nakababa na ako. Kaya palaging sinisigurado kong may dala akong extra na pamasahe. Dahil hindi ko alam kung saang kangkungan ako makakarating.

Maraming mga dahilan kung bakit mas gusto ko ang bumiyahe. Hindi ko na iniisip kung lalapad ang pwet ko matapos ang mahabang paglalakbay. Dahil para sa akin, at kung tutuusin naman talaga, mas hitik ang paglalakbay kaysa sa destinasyon.


Labels: , , , ,